Para kay Ma’am Elyrah, bahagi ng panawagan sa pagpapabilis ng muling pagtayo ng Faculty Center ang pag-alala sa gusali bilang espasyo ng kalinga.

Sinalubong ni Elyrah L. Salanga-Torralba, Kawaksing Propesor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, ang ika-dalawampu’t isang milenyo sa pagpasok niya bilang guro ng panitikan, malikhaing pagsulat, at kulturang popular.
Ngunit bago balikatin ang responsabilidad ng pagiging guro, sinulit niya muna ang buhay-kolehiyala sa piling ng iyong pasilyo. Kabisado niya ang mga silid na minsang naging pook ng pagpapakadalubhasa. Dito niya nakatagpo ang mga tinitingalang guro at manunulat—kagaya ni Lilia Quindoza-Santiago, na pumanaw noong pandemya nang hindi man lamang nasasaksihan ang muli mong pagtayo.
Sa labing-anim na taon ng pagtuturo, tinuring niyang pribadong santuwaryo ang iyong gusali. Humihimlay siya sa malambot mong sofa pagkatapos ng maghapong pagharap sa mga estudyante. Sa iyong katahimikan, natatamo niya ang kalinga. Binuksan mo rin ang pagkakataong makapagpasimula sila ng ugnayan ng mga kapuwa-guro. Sintatag ng iyong pundasyon ang kanilang pagkakaibigan.
Ngunit alipatong kumalat ang balita: Unang araw ng Abril, taong 2016, tinupok ng apoy ang iyong pundasyon. Linamon ka ng sunog. Inabo nito ang lahat ng ipinagkatiwala sa iyong mga gamit: mga larawan ng asawa at ina, koleksiyong aklat, pinakaiingatang memorabilia. Walang kinikilalang alaala ang nagngangalit na apoy.
Habang inuupos ka ng pagkatupok, nasa ospital si Ma’am Elyrah at inuupos din ng pangamba. Ihinahanda niya noon ang sarili sa nagbabadyang pamamaalam ng kaniyang ina. Ipagpaumanhin mo ang kaniyang pagkakalayo. Hanggang ngayon, nagsisisi siyang wala siya sa tabi mo noong binubura ka ng lagablab.
Dalawang araw matapos kang masunog, pumanaw ang kaniyang ina. Hindi niya na naiproseso ang iyong pagkawala. Kailangan niyang tatagan ang kaniyang sarili habang inaasikaso ang búrol at libing. Magkakambal na pagluluksa ang kaniyang hinarap. Magkasimbigat na pamamaalam ang pinasan niya sa magkabilang balikat.
Isang dekada matapos ang iyong pagkawala, wala pa ring maayos na tahanan ang sangkaguruang minsan mong pinatuloy. Nakalambitin pa rin ang kolehiyo sa kalbaryo ng walang kasiguruhan.
Sa lahat ng ito, bitbit pa rin ni Ma’am Elyrah ang iyong pagkakakilanlan: Faculty Center. Wika niya, ang “sentro” sa iyong pangalan ay hindi lamang lunan. Paraan ito ng paglalagay ng sarili sa gitna—bilang gurong nangangailangan ng pribadong espasyo. Kaya ang sampung taon ng walang permanenteng tirahan ay isang dekadang kawalang-galang sa karapatan ng sangkaguruan.
Payak lamang ang kaniyang hiling habang nakatanaw sa mabagal na usad ng iyong konstruksiyon: Bulatlatin ang mga detalye ng proseso at dokumentong kailangan upang bigyang-sagot kung kailan matatapos ang muli mong pag-inat. Diin pa niya, “Kailangang managot ang dapat na managot sa perwisyong dinaranas ng sangkaguruan.”
Sa ngayon, habang nananatiling abo ang pangako ng mas mabilis mong pagtayo, nakakapit si Ma’am Elyrah sa kapangyarihan ng muling pagtatalambalay: sa pagsalat at pananariwa sa mga alaala ng nakalipas—kapiling ang espasyong saksi ng kaniyang buhay-kolehiyala at guro. ◆
*Hango sa sanaysay na “Talambalay” ni Elyrah L. Salanga-Torralba; tungkol sa pagtatala ng hirap dulot ng kawalan ng permanenteng tirahan.
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong Abril 21, 2026.

